2
Mga Huwad na Guro
1 Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak.
2 At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan.
3 Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.
4 Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom.
5 Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama.
6 Sinumpa [at tinupok] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan.
7 Ngunit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya.
8 Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon.
9 Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan,
10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.
Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito.
11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito.
12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop.
13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang.
14 Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa!
15 Lumihis sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama.
16 Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar.
18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan.
19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya.
20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati.
21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito.
22 Ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:
“Ang aso pagkatapos sumuka
ay muling kinakain ang nailuwa na,”
at,
“Ang baboy na pinaliguan
ay bumabalik sa putikan.”