ANG AWIT NG TATLONG KABATAAN
1
Ang Panalangin ni Azarias
Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon. Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,
“Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.
Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!
Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;
makatuwiran ang iyong landas;
walang kinikilingan ang mga hatol mo.
Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,
ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.
Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.
Talagang kami'y nagkasala,
lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.
Hindi namin ginampanan ang iyong mga utos
na para sa kapakanan din naming lahat.
Kaya nga, makatarungan lamang
ang mga parusang inilapat mo sa amin.
Ipinabihag mo kami sa pinakamahigpit naming mga kaaway, lahing malulupit at kasuklam-suklam.
Inalipin kami ng isang napakasamang hari, pinakamasama sa buong sanlibutan.
10 At ngayon, nauutal ang aming dila sa laki ng kahihiyan.
Kaming iyong mga alipin at tagasunod ay naging kasuklam-suklam.
11 Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon;
huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin.
12 Muli mo kaming kahabagan,
alang-alang kay Abraham na iyong minamahal,
kay Isaac na iyong lingkod,
at kay Israel na iyong ginawang banal.
13 Ipinangako mong pararamihin ang kanilang lahi
gaya ng mga bituin sa langit at ng buhanginan sa tabing-dagat.
14 Subalit ngayon, Panginoon, kami ay naging pinakamaliit na bansa.
Dahil sa aming mga kasalanan, kami ang pinakaaba ngayon sa sanlibutan.
15 Wala kaming hari, mga propeta, o mga pinuno ngayon.
Walang templong mapagdalhan sa mga handog na susunugin, mga hain at insenso;
wala man lamang dakong mapaghandugan upang kami ay humingi ng awa mo.
16 Ngunit lumalapit kami sa iyo ngayon na nagsisisi at nagpapakumbaba.
Tanggapin mo na kami na parang nag-aalay ng mga barakong tupa at toro,
at libu-libong matatabang tupa na susunugin bilang handog sa iyong harapan.
17 Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami'y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Walang nagtiwala sa iyo na nabigo.
18 Simula ngayon, buong puso kaming susunod sa iyo,
sasamba at magpupuri sa iyo.
19 Huwag mo kaming biguin.
Sapagkat ikaw ay maamo at mapagkalinga,
kahabagan mo kami at saklolohan.
20 Muli mong iparanas sa amin ang iyong kahanga-hangang pagliligtas
upang muling dakilain ang iyong pangalan, Panginoon.
21 “Mapahiya nawa ang lahat ng nananakit sa amin na iyong mga alipin;
alisin mo ang kanilang kapangyarihan,
at durugin ang kanilang lakas.
22 Ipakita mong ikaw lamang ang Panginoong Diyos
na makapangyarihan at dakila sa buong sanlibutan.”
23 Ang mga alipin ng hari na naghagis sa tatlong kabataang lalaki sa pugon ay patuloy na naghahagis doon ng mga pampaningas: langis, alkitran, dayami at mga sanga ng kahoy, 24 anupa't tumaas nang mahigit dalawampu't dalawang metro ang apoy. 25 Lumabas ang ningas at nasunog ang mga taga-Babilonia na nakatayo malapit sa pugon. 26 Ngunit+ bumabâ ang isang anghel ng Panginoon at sinamahan ang tatlong kabataan. Itinulak ng anghel ang apoy papalayo sa tatlo 27 at ginawang sa paligid nila'y tila may umiihip na napakalamig na hanging parang hamog. Kaya't hindi sila nalapatan ng apoy o nasaktan dahil dito.
Ang Awit ng Tatlong Kabataan
28 Habang naroon sa loob ng pugon, ang tatlong kabataan ay sama-samang nagpuri at nagparangal sa Diyos,
29 “Pinupuri ka namin, Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat po kayong parangalan
at dakilain magpakailanman!
30 Purihin po ang iyong marangal at banal na pangalan.
Nararapat kang purihin at parangalan magpakailanman.
31 Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
32 Purihin ka mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita po ninyo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
33 Purihin ka, na nakaupo sa maningning mong trono,
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
34 Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
 
35 “Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilikha;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
36 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga kalangitan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
37 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga anghel ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
38 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga tubig sa ibabaw ng langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
39 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na bumubuo ng kanyang hukbo;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
40 Purihin ninyo ang Panginoon, araw at buwan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
41 Purihin ninyo ang Panginoon, mga bituin sa langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
 
42 “Purihin ninyo ang Panginoon, mga ulan at hamog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
43 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng hanging umiihip sa buong daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
44 Purihin ninyo ang Panginoon, apoy at init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
45 Purihin ninyo ang Panginoon, matinding lamig at nakakapasong init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
46 Purihin ninyo ang Panginoon, mga hamog at yelong nalalaglag;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
47 Purihin ninyo ang Panginoon, mga gabi at mga araw;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
48 Purihin ninyo ang Panginoon, liwanag at kadiliman;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
49 Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at ginaw;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
50 Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at taglamig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
51 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kidlat at mga ulap;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
 
52 “O lupa, dakilain mo ang Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
53 Purihin ninyo ang Panginoon, mga bundok at mga burol;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
54 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tumutubo sa lupa;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
55 Purihin ninyo ang Panginoon, mga dagat at mga ilog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
56 Purihin ninyo ang Panginoon, mga batis at mga bukal;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
57 Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
58 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
59 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at maiilap na hayop;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
 
60 “Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tao sa daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
61 Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
62 Purihin ninyo ang Panginoon, mga paring naglilingkod sa Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
63 Purihin ninyo ang Panginoon, mga lingkod ng Panginoon;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
64 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga tapat;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
65 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga banal at mapagpakumbaba;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
66 Purihin ninyo ang Panginoon, Hananias, Azarias, at Misael;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Sapagkat hinango niya tayo sa daigdig ng mga patay; iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kamatayan.
Hinango niya tayo sa nagliliyab na pugon;
iniligtas niya tayo sa apoy.
67 Pasalamatan natin ang Panginoon sapagkat napakabuti niya;
nananatili magpakailanman ang kanyang habag.
68 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na sumasamba sa kanya;
awitan siya ng papuri, ang Diyos ng mga diyos.
Pasalamatan natin siya dahil sa habag niyang walang hanggan.”
+ 1:26 Tob. 5:4.