Ang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-FILIPOS
Panimula
Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Filipos ay para sa unang iglesyang itinatag ni Pablo sa Europa. Ang Filipos ay isang lungsod sa Macedonia, na isang lalawigang sakop ng Roma. Nakabilanggo si Pablo nang isulat niya ito. Naliligalig siya dahil may mga manggagawang Cristiano na sumasalungat sa kanya, at dahil na rin sa maling aral na nakapasok sa iglesya sa Filipos. Ngunit mababakas sa sulat na ito ang isang kagalakan at lakas ng loob na taglay ni Pablo dahil sa kanyang matibay na pananalig kay Jesu-Cristo.
Ang pangunahing layunin ng sulat na ito ay pasalamatan ang mga mananampalataya sa Filipos dahil sa tulong na ipinadala nila sa kanya. Sa pamamagitan ng sulat na ito, sinikap niyang palakasin ang kanilang loob, upang huwag silang mabahala tungkol sa kanyang kalagayan, at sa kanilang mga sariling suliranin. Sila ay pinayuhan niya na maging mapagpakumbaba na gaya ni Jesus at huwag padala sa pagmamataas at makasariling hangarin. Ipinagunita niya na ang buhay na tinatamasa nila kay Cristo ay kaloob ng Diyos na tinanggap nila sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi sa pagganap ng mga alituntunin ng Kautusang Judio. Binigyan niya ng diin ang kagalakan at kapayapaang ibinibigay ng Diyos sa mga nagpapasakop kay Cristo.
Sa sulat na ito'y binibigyang-diin ang kagalakan, kapanatagan, pagkakaisa, at pagpapatuloy sa pananampalataya at pamumuhay Cristiano. Binabanggit din dito ni Pablo ang kanyang marubdob na pagmamahal sa mga kapatiran sa Filipos.
Nilalaman
Panimula 1:1-11
Sariling patotoo ni Pablo 1:12-26
Ang buhay kay Cristo 1:27–2:18
Mga balak para kina Timoteo at Epafrodito 2:19-30
Mga babala tungkol sa mga kaaway at mga panganib 3:1–4:9
Si Pablo at ang kanyang mga kaibigan sa Filipos 4:10-20
Pagwawakas 4:21-23
1
1 Mula kina Pablo at Timoteo na mga lingkod ni Cristo Jesus,
Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa at mga tagapaglingkod:
2 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo.
4 Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat,
5 dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan.
6 Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
7 Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo.
8 Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.
9 Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa,
10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan,
11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.
Si Cristo ang Buhay
12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita.
13 Nalaman ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo.
14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos.
15 Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin.
16 Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita.
17 Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo.
18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral.
Ang isa ko pang ikinagagalak
19 ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.
20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan.
21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang.
22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin.
23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti.
24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito.
25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon.
26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.
27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita.
28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos.
29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo.
30 Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.