17
1 Kahit tinapay ang kinakain ngunit may kapayapaan,
mabuting di hamak kaysa malaki ngunit magulong handaan.
2 Ang tusong alipin ay makakahati pa sa mamanahin,
ng anak ng kanyang amo kung ito'y inutil.
3 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak,
ngunit sa puso ng tao'y si Yahweh ang sumisiyasat.
4 Ang taong masama ay nakikinig sa payo ng masama,
at ang sinungaling ay sumusunod sa baluktot na dila.
5 Ang nanlalait sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
at ang nagagalak sa kapahamakan ng iba'y mayroon ding pananagutan.
6 Ang mga apo ay putong ng katandaan;
ang karangalan ng mga anak ay ang kanilang magulang.
7 Ang pinong pananalita ay di mahahanap sa mangmang,
ni ang kasinungalingan sa taong marangal.
8 Sa paniwala ng iba ang suhol ay parang salamangka;
kaya lahat ay makukuha kung may pansuhol ka.
9 Ang pagpapatawad sa kapwa ay nagpapasarap sa samahan,
ngunit ang pagkakalat ng kahinaan ay sumisira ng pagkakaibigan.
10 Ang matalino'y natututo sa isang salita
ngunit ang mangmang ay hindi, hampasin mang walang awa.
11 Ang nais ng masama'y paghihimagsik,
kaya ipadadala sa kanya'y isang sugong malupit.
12 Mabuti pang harapin ang inahing osong inagawan ng anak
kaysa kausapin ang isang mangmang na lublob sa kahangalan.
13 Kapag masama ang iginanti sa mabuting ginawa,
ang kapahamakan sa buhay ay di mawawala.
14 Ang simula ng kaguluha'y parang butas sa isang dike;
na dapat ay sarhan bago ito lumaki.
15 Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan,
kay Yahweh ay kapwa kasuklam-suklam.
16 Walang katuturan ang gumugol para sa pag-aaral,
ng isang taong pumili na siya'y maging mangmang.
17 Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon,
at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong.
18 Ang mangangakong magbayad para sa utang ng iba,
kamangmangang maituturing ang kanyang ginagawa.
19 Ang umiibig sa kaguluhan ay umiibig sa kasalanan;
at ang mayayabang ay naghahanap ng kapahamakan.
20 Ang masamang isipan ay hindi uunlad,
ang sinungaling ay aabot sa kasawiang-palad.
21 Ang mga magulang ng anak na mangmang,
sakit sa damdamin ang nararanasan.
22 Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan,
at ang malungkuti'y unti-unting namamatay.
23 Ang katarungan ay hindi nakakamtan,
kung itong masama, suhol ay patulan.
24 Karunungan ang pangarap ng taong may unawa,
ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang hangal na anak ay problema ng kanyang ama
at pabigat sa damdamin ng kanyang ina.
26 Ang pagpaparusa sa matuwid ay hindi makatuwiran,
maging ang pagpapahirap sa taong buhay marangal.
27 Nagtataglay ng kaalaman ang maingat magsalita,
ang mahinahon ay taong may pagkaunawa.
28 Ang mangmang na hindi madaldal ay iisiping marunong;
kung hindi siya masalita at ang bibig ay laging tikom.