22
Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan,
kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap,
pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.
Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat,
ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan
ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong,
at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon.
Ituro+ sa bata ang daang dapat niyang lakaran,
at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman,
ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram.
Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kamalasan,
at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan.
Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain,
at tiyak na ikaw ay pagpapalain.
10 Palayasin mo ang mga sulsol at mawawala ang alitan,
at matitigil ang kaguluhan pati pag-aaway.
11 Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay,
pati ang hari'y magiging kaibigan.
12 Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman,
ngunit di niya pinagtatagumpay ang salita ng mga mangmang.
13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,
ang idinadahila'y may leon sa daan.
14 Ang salita ng mapang-apid ay isang patibong
at ang mga hindi nagtitiwala kay Yahweh ang nahuhulog doon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,
ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman
ay mauuwi rin sa karalitaan.
Tatlumpung mga Kawikaan
17 Pakinggan mo at pag-aralang mabuti ang aking mga ituturo. 18 Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo. 19 Sinasabi ko ito sa iyo sapagkat nais kong si Yahweh ang iyong panaligan. 20 Tatlumpu ang kawikaang ito. Bawat isa ay magandang panuntunan at magdudulot ng kaalaman. 21 Ituturo nito sa iyo kung ano ang katotohanan. Sa gayon, may maisasagot ka kung may magtanong sa iyo.
-1-
22 Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman. 23 Sapagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon.
-2-
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin, 25 baka mahawa sa kanila at sa bitag ay masilo.
-3-
26 Huwag kang mangangako para sa utang ng iba, ni gumarantiya para sa kanya. 27 Kapag hindi ka nakabayad, hindi ba't kukunin pati ang higaan mo?
-4-
28 Huwag mong babaguhin ang mga hangganang itinayo, ito'y inilagay doon ng ating mga ninuno.
-5-
29 Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
+ 22:6 Ecc. 6:18.