25
Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon
Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.
Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.
Huwag+ kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.
Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.
Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
11 Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.
12 Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
13 Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.
14 Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.
15 Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.
16 Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. 17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
18 Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.
19 Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.
20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.
21 Kapag+ nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22 Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.
23 Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan.
24 Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan.
26 Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.
27 Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.
28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
+ 25:6 Lu. 14:8-10. + 25:21 Ro. 12:20.