28
Ang Matuwid at ang Masama
Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol,
ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.
Kung ang bayan ay magkasala, maraming gustong mamahala,
ngunit kung matalino ang namumuno, malakas at matatag ang bansa.
Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil
ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,
ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad.
Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,
ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran,
kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,
ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang.
Ang kayamanang natamo sa pamamagitan ng patubuan
ay mauuwi sa maawain at matulungin sa nangangailangan.
Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam.
10 Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama
ay mabubulid sa sariling pakana,
ngunit ang taong may tapat na pamumuhay ay magmamana ng maraming kabutihan.
11 Ang palagay ng mayaman ay marunong siya,
ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya.
12 Kapag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang,
ngunit kung ang pumalit ay masama, lahat ay nasa taguan.
13 Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti,
ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
14 Mapalad ang taong sumusunod sa ating Diyos,
ngunit ang matigas ang ulo ay mapapahamak.
15 Ang masamang hari ay tila leong mabagsik
at nakakatakot na parang osong mabangis.
16 Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit;
ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig.
17 Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan,
at ang taong ito'y di dapat tulungan.
18 Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan,
ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
19 Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,
ngunit naghihirap ang taong tamad.
20 Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,
ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
21 Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam,
ngunit dahil sa suhol may hukom na gumagawa ng ganitong kasamaan.
22 Ang kuripot ay nagmamadaling yumaman
ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal.
23 Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan
kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat.
24 Ang anak na ninakawan ang kanyang magulang at sasabihing ito'y hindi kasalanan,
ay masahol pa sa karaniwang magnanakaw.
25 Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan,
ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh, uunlad ang kabuhayan.
26 Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang,
ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan.
27 Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang,
ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
28 Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli,
ngunit kapag sila ay wala na, ang mabubuti'y dumadami.