30
Ang mga Kawikaan ni Agur
1 Mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh ng Massa. Ito ang sinabi niya kina Itiel at Ucal:
“Ang Diyos ay malayo sa akin, wala akong magagawa.
2 Ako ay mangmang, alangang maging tao.
Wala akong karunungan, hindi ako matalino.
3 Di ako nakapag-aral, kaya ako ay mangmang,
walang karunungan, walang alam sa Maykapal.
4 Sino ang dalubhasa tungkol sa kalangitan?
Sino ang nakapigil ng hangin sa kanyang palad?
Sino ang nakapagbalot ng tubig sa isang damit?
Sino ang naglagay ng mga hangganan sa daigdig?
Sino siya? Sino ang kanyang anak?
5 “Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya.
6 Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.”
Karagdagang Kawikaan
7 Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay:
8 Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin.
9 Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan.
10 Ang alipin ay huwag mong sisiraan sa kanyang amo,
baka isumpa ka niya't pagbayarin sa ginawa mo.
11 May mga taong naninira sa kanilang ama,
masama ang sinasabi tungkol sa kanilang ina.
12 May mga taong nagmamalinis sa sarili,
ngunit ang totoo'y walang kasindumi.
13 May mga taong masyadong palalo, ang akala nila'y kung sino na sila.
14 May mga tao namang masyadong masakim,
pati mahihirap, kanilang sinisiil.
15 Ang linta ay may dalawang anak, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako,” ang lagi nilang hiling.
May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan:
16 Ang libingan,
ang babaing walang anak,
ang lupang tuyo na laging nais matigmak,
at ang apoy na naglalagablab.
17 Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakainin ng buwitre ang kanilang bangkay.
18 May apat na bagay na di ko maunawaan:
19 Ang paglipad ng agila sa kalangitan,
ang paggapang ng ahas sa ibabaw ng batuhan,
ang paglalayag ng barko sa karagatan,
at ang babae't lalaking nagmamahalan.
20 Ganito naman ang ginagawa ng asawang nagtataksil: makikipagtalik, pagkatapos ay magbibihis saka sasabihing wala siyang ginagawang masama.
21 May apat na bagay na yayanig sa daigdig:
22 Ang aliping naging hari,
ang isang mangmang na sagana sa pagkain,
23 ang babaing masungit na nagkaasawa,
at ang isang aliping babaing pumalit sa kanyang amo.
24 Sa daigdig ay may apat na maliliit na hayop ngunit may pambihirang kaisipan.
25 Ang mga langgam: sila ay mahina subalit nag-iipon
ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga kuneho: mahihina rin sila subalit nakagagawa
ng kanilang tirahan sa batuhan.
27 Ang mga balang: bagama't walang haring sumusubaybay
ay lumalakad nang maayos at buong inam.
28 Ang mga butiki: maaaring hawakan sa iyong palad dahil sa kaliitan,
subalit nasa palasyo ng hari at doon naninirahan.
29 May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad:
30 Ang leon, pinakamatapang na hayop at kahit kanino ay di natatakot.
31 Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas,
at ang hari sa harap ng bayan.
32 Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka.
33 Batihin mo ang gatas at may mantekilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka.