4
Ang Payo ng mga Magulang
Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama,
sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya.
Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi,
kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi.
Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama,
batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina,
itinuro niya sa akin at kanyang sinabi,
“Sa aking mga aral buong puso kang manangan,
sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay.
Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran,
ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan,
huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan,
ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas,
bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.
Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,
at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.”
 
10 Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,
lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
11 Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan,
itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
12 Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang,
magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal.
13 Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan,
ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
14 Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,
at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.
15 Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,
bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.
16 Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,
at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.
17 Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,
ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.
18 Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,
tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.
19 Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,
ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
20 Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
21 Huwag itong babayaang mawala sa paningin,
sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
22 Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,
nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.
23 Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,
pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
24 Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,
ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
25 Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,
ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.
26 Siyasatin+ mong mabuti ang landas na lalakaran,
sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
27 Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;
humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
+ 4:26 Heb. 12:13.