7
1 Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
itanim sa isip at huwag kalimutan.
2 Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
3 Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
4 Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
5 Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.
Ang Babaing Mapangalunya
6 Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,
at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
7 ang aking nakita'y maraming kabataan,
ngunit may napansin akong isang mangmang.
8 Naglalakad siya sa may panulukan,
ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
9 Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,
sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.
10 Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,
mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.
11 Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,
di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.
12 Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,
walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.
13 Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,
at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:
14 “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,
katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.
15 Ako ay narito upang ika'y salubungin,
mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
16 Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,
linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.
17 Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,
bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
18 Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,
ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya.
19 Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo,
pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo.
20 Marami ang baon niyang salapi,
pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.”
21 Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,
sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog.
22 Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,
parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod,
mailap na usa, sa patibong ay nahulog,
23 hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.
Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad,
hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.
24 Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25 Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26 sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27 Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.