MGA AWIT
Panimula
Ang aklat ng Mga Awit ay himnaryo at aklat-panalangin ng Biblia. Ito ay sinulat ng iba't ibang manunulat sa loob ng mahabang panahon. Ang mga awit at mga panalanging ito'y tinipon at ginamit ng bansang Israel sa kanilang pagsamba, hanggang sa isama ang mga ito sa Kasulatan.
Maraming uri ang mga tulang ito: mga awit ng pagpupuri at pagsamba; mga panalangin ng paghingi ng tulong, pag-iingat, pagliligtas at kapatawaran; mga awit ng pasasalamat sa mga pagpapala ng Diyos; at mga kahilingan para parusahan ang kanilang mga kaaway. Ang mga panalanging ito ay dalawang uri. Ang pampersonal na panalangin ay naglalarawan ng nakatagong damdamin ng isang tao. Samantala, ang pambansang panalangin ay kumakatawan naman sa pangangailangan at damdamin ng buong sambayanan ng Diyos.
Marami sa mga awit na ito ay pinapaniwalaang kinatha at inawit ni Haring David, mula sa iba't ibang panahon ng kanyang buhay. May mga pagkakataon na nakasaad sa mga awit na ito ang mga ginamit na instrumento at pamamaraan ng pag-awit.
Ginamit ni Jesus ang mga awit, binanggit ng mga sumulat ng mga aklat sa Bagong Tipan, at naging mahalagang aklat para sa pananambahan ng mga Cristiano buhat sa simula.
Nilalaman
Ang 150 awit ay hinati sa limang pangkat:
Mga Awit 141
Mga Awit 4272
Mga Awit 7389
Mga Awit 90106
Mga Awit 107150
UNANG AKLAT
1
(Mga Awit 1–41)
Ang Tunay na Kagalakan
Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
Katulad+ niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
 
Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
+ 1:3 Jer. 17:8.