106
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
Purihin+ si Yahweh!
 
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
 
Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
 
Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang+ magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y* nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang+ siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula ay natuyong bigla,
sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang+ ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
 
13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang+ nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.
 
16 Sila+ ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.
 
19 Sa+ may Bundok ng Sinai, doon ay naghugis niyong gintong guya,
matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
Sa Dagat na Pula§ yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.
 
24 Ang+ lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,
dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
25 Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal,
at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal.
26 Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang
sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang.
27 Sila'y+ ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,
sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.
 
28 Sila'y+ nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,
ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
29 Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito:
Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
30 Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay,
kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay.
31 Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan
ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan.
 
32 At+ itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba,
nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila.
33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,
dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil.
 
34 Di+ nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan,
bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan.
35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
36 Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
37 Pati+ anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos,
sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog.
38 Ang+ pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay
para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan,
kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumamâ.
 
40 Kaya+ naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.
 
47 Iligtas+ mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.
 
48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”
 
Purihin si Yahweh!
+ 106:1 1 Cro. 16:34; 2 Cro. 5:13; 7:3; Ez. 3:11; Awit 100:5; 107:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11. + 106:7 Exo. 14:10-12. * 106:7 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo. + 106:9 Exo. 14:21-31. 106:9 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo. + 106:12 Exo. 15:1-21. + 106:14 Bil. 11:4-34. + 106:16 Bil. 16:1-35. + 106:19 Exo. 32:1-14. 106:19 Bundok ng Sinai: o kaya'y Bundok ng Horeb. § 106:22 Dagat na Pula: o kaya’y Dagat ng mga Tambo. + 106:24 Bil. 14:1-35. + 106:27 Lev. 26:33. + 106:28 Bil. 25:1-13. + 106:32 Bil. 20:2-13. + 106:34 Huk. 2:1-3; 3:5-6. + 106:37 2 Ha. 17:17. + 106:38 Bil. 35:33. + 106:40 Huk. 2:14-18. + 106:47 1 Cro. 16:35-36.