116
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
1 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
5 Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
6 Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
7 Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
8 Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
9 Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!