137
Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag
Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
 
Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.
 
Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
“Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”
 
Tandaan+ mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!
+ 137:8 Pah. 18:6.