28
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan+ mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
 
Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
 
Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
+ 28:4 Pah. 22:12.