32
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.
1 Mapalad ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!