35
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
Ang iyong kalasag at sandatang laan,
kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
 
Silang nagnanasang ako ay patayin
ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
hadlangan mo sila at iyong lituhin.
Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
habang tinutugis ng sinugong anghel.
Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
Hindi nila alam sila'y mawawasak,
sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.
 
Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
“Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”
 
11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14 Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
wari'y inulila ng ina kong mahal.
 
15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
 
17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
Iligtas mo ako sa ganid na leon;
sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
pupurihin kita sa harap ng bayan.
 
19 Huwag+ mong tutulutang ang mga kaaway,
magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
magalak sa aking mga kalumbayan.
 
20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
“Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
“Siya ay nagapi namin sa labanan!”
 
26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”
 
28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
sa buong maghapon ay papupurihan!
+ 35:19 Awit 69:4; Jn. 15:25.