41
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
 
Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
Lubos+ akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
 
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
 
13 Purihin+ si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
 
Amen! Amen!
+ 41:9 Mt. 26:23; Mc. 14:18; Lu. 22:21; Jn. 13:18. + 41:13 Awit 106:48.