44
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil* ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)
Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
 
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
 
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
 
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil+ po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
 
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
 
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
* 44: MASKIL: Tingnan ang Awit 32. 44:8 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. + 44:22 Ro. 8:36.