46
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot*
Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)
 
May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
 
Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)
 
Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
 
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)§
* 46: ALAMOT: Maaaring ang kahulugan ng salitang ito'y “ayon sa tinig ng babae” o kaya'y “mataas na tono”. 46:3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. 46:7 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. § 46:11 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.