51
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit+ na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
 
Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
Sa+ iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
 
Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
 
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
 
14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
 
16 Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.
 
18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.
 
+ 51: 2 Sam. 12:1-15. + 51:4 Ro. 3:4.