57
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha+ ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,* nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.
Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
 
Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)
 
Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.
 
Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
 
Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)
 
Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
+ 57: 1 Sam. 22:1; 24:3. * 57: MIKTAM: Tingnan ang Awit 16. 57:3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. 57:6 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.