61
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
 
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
 
Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)*
Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
 
Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
 
At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
* 61:4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.