77
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
1 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)
4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6 ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7 “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8 Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9 Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”
11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)
16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!