79
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Awit ni Asaf.
1 O Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
2 ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
3 Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
4 Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
5 Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
6 Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
7 Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
8 Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
9 Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.
11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!