82
Diyos ang Kataas-taasang Hari
Awit ni Asaf.
1 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
2 “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)
3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
5 “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
6 Ang sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
7 ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”
8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!