18
Mga Tagumpay ni David sa Labanan
(2 Sam. 8:1-18)
1 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.
2 Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.
3 Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates.
4 Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.
5 Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila.
6 Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh.
7 Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem.
8 Napakaraming tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba,
10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto,
11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.
12 Si Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin.
13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.
14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay.
15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala.
16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim.
17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.