28
Si Haring Ahaz ng Juda
(2 Ha. 16:1-4)
Dalawampung taóng gulang naman si Ahaz nang magsimulang maghari at naghari siya ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya tumulad sa mga ginawa ng kanyang ninunong si David at dahil dito'y hindi siya naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh. Sa halip, ang sinundan niya'y ang mga halimbawa ng mga hari ng Israel. Nagpagawa siya ng mga metal na rebulto ni Baal. Nagsunog siya ng insenso at nag-alay ng mga handog na susunugin sa Libis ng Ben Hinom. Inihandog din niya ang kanyang mga anak na lalaki at sinunog doon tulad ng mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ni Yahweh nang dumating ang Israel sa lupain. Naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga dambanang pagano, sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
Digmaan Laban sa Siria at Israel
(2 Ha. 16:5-6)
Dahil+ dito, ipinatalo siya ni Yahweh na kanyang Diyos sa hari ng Siria. Maraming mamamayan ng Juda ang binihag nito at dinala sa Damasco. Nilusob din siya ng hari ng Israel at halos naubos ang kanyang hukbo. Sa loob lamang ng isang araw ay may 120,000 kawal ng Juda ang napatay ng mga Israelita sa pamumuno ni Haring Peka na anak ni Remalias. Nangyari sa kanila iyon sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Pati ang prinsipeng si Maasias, si Azrikam na tagapamahala ng palasyo at si Elkana na kanang kamay ng hari ay napatay ni Zicri, isang mandirigmang taga-Efraim. Bagama't kamag-anak ng mga taga-Israel ang mga taga-Juda, 200,000 kababaihan at mga batang babae at lalaki ng Juda ang binihag nila at dinala sa Samaria. Marami rin silang sinamsam na kayamanan.
Si Propeta Oded
Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila. 10 Gusto pa ninyo ngayong alipinin ang mga lalaki at babaing taga-Juda at Jerusalem. Hindi ba ninyo alam na kayo'y nagkakasala rin sa Diyos ninyong si Yahweh? 11 Makinig kayo sa akin. Mga kamag-anak ninyo ang mga bihag ninyong ito. Pauwiin na ninyo sila, kung hindi'y paparusahan kayo ni Yahweh dahil galit siya sa inyo.”
12 Nang sandaling iyon, may dumating ding ilang pinuno ng Efraim: sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesillemot, Jehizkias na anak ni Sallum at Amasa na anak naman ni Hadlai. 13 Tumutol din sila sa ginawa ng Israel at nagsabi, “Huwag ninyong ipapasok sa ating bansa ang mga bihag na iyan. Lalo tayong magkakasala at ito'y pananagutan natin sa harapan ni Yahweh. Marami na tayong kasalanan at lalong magagalit ang Diyos sa Israel.” 14 Kaya't iniwan ng mga kawal ang mga bihag at ang mga nasamsam sa pangangalaga ng mga pinuno at ng mga taong-bayan. 15 Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria.
Si Ahaz ay Humingi ng Saklolo sa Asiria
(2 Ha. 16:7-9)
16 Nang panahong iyo'y humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Ginawa niya ito sapagkat sumalakay na naman ang mga taga-Edom at natalo ang Juda. Marami na namang nabihag sa kanila. 18 Sinalakay din ng mga Filisteo ang mga bayan sa mga paanan ng mga burol sa kanluran at ang mga bayan sa katimugan ng Juda. Nakuha rin nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco, Timna at Gimzo pati ang mga nayong sakop ng mga lugar na ito, at sila ang tumira doon. 19 Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya. 20 Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz. 21 Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito.
Ang mga Kasalanan ni Ahaz
22 Lalong nagkasala laban kay Yahweh si Haring Ahaz sa panahon ng kanyang kagipitan. 23 Naghandog siya sa mga diyus-diyosan sa Damasco, ang bansang tumalo sa kanya. Sinabi ni Ahaz, “Ang mga diyos ng mga hari sa Siria ang tumulong sa kanila, kaya doon ako maghahandog upang ako'y tulungan din.” Ito ang nagpabagsak sa kanya at sa bayang Israel. 24 Ang lahat ng kagamitan sa Templo ay sinira ni Ahaz. Ipinasara niya ang Templo at nagpatayo ng mga altar sa lahat ng sulok ng Jerusalem. 25 Gumawa siya sa bawat lunsod ng Juda ng mga burol na sunugan ng insenso para sa mga diyos ng ibang bansa. Dahil dito'y lalong nagalit sa kanya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
26 Ang lahat ng nangyari sa pamamahala ni Ahaz at ang kanyang mga ginawa mula sa pasimula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Namatay+ siya at inilibing sa Jerusalem ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari ng Juda. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ezequias.
+ 28:5 2 Ha. 16:5; Isa. 7:1. + 28:27 Isa. 14:28.