5
Nang+ matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan.
Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan
(1 Ha. 8:1-9)
Pinulong+ ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.
Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. 10 Walang+ laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.* Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto.
Ang Kaluwalhatian ni Yahweh
11 Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, 12 nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. 13 Ang+ + mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. 14 Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo.
+ 5:1 2 Sam. 8:11; 1 Cro. 18:11. + 5:2 2 Sam. 6:12-15; 1 Cro. 15:25-28. + 5:10 Deut. 10:5. * 5:10 Sinai: o kaya'y Horeb. + 5:13 1 Cro. 16:34; 2 Cro. 7:3; Ez. 3:11; Awit 100:5; 106:1; 107:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11. + 5:13 Exo. 40:34-35.