Ang Sulat ni Pablo sa
MGA TAGA-ROMA
Panimula
Isa sa mga pangunahing layunin ng Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma ay upang makapaghanda ang mga Cristiano sa Roma para sa pagdalaw ni Pablo roon.
Balak niyang maglingkod nang kaunting panahon sa mga Cristiano sa Roma at pagkatapos, sa tulong nila, ay pumunta naman siya sa Espanya. Sa kanyang sulat, ipinaliwanag ni Pablo ang kanyang pagkaunawa sa pananampalataya at ang praktikal na kaugnayan nito sa buhay ng mga Cristiano. Nasa aklat na ito ang pinakabuod ng kanyang mensahe.
Matapos niyang batiin ang mga kapatiran at sabihing sila'y kanyang idinadalangin, inilahad ni Pablo na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay “sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas” (1:17). Ipinaliwanag niya na ang lahat ng tao, maging Judio o Hentil, ay kailangang mapawalang-sala ng Diyos, sapagkat ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. At ang pagpapawalang-salang ito ay mangyayari lamang kung ang mga tao'y sasampalataya kay Cristo Jesus.
Kasunod nito, inilalarawan ni Pablo ang bagong kaugnayan ng tao sa Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Ang mananampalataya ay naibalik na sa Diyos, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay lumaya na mula sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan. Sa kabanatang 5–8, tinatalakay rin ni Pablo ang layunin ng Kautusan at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa buhay ng mananampalataya. Ipinaliwanag niya kung paanong ang mga Judio at ang mga Hentil ay nasasaklaw ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa pagwawakas, sinabi niya na ang pagtatakwil ng mga Judio kay Jesus ay nakapaloob sa layunin ng Diyos na sa pamamagitan ng pagtatakwil na iyon, ang pagliligtas ng Diyos ay nakaabot sa lahat ng tao, pati sa mga hindi Judio. Ngunit naniniwala si Pablo na pansamantala lamang ang pagtangging ito ng mga Judio kay Jesus.
Sa huling bahagi ng sulat, inilalahad niya ang nararapat na pamumuhay ng Cristiano, lalo na ang tungkol sa pagmamahalan. Ipinaliwanag rin dito ni Pablo ang tungkol sa paglilingkod sa Diyos, ang tungkulin ng mga Cristiano sa kanilang pamahalaan at sa isa't isa. Tinalakay din niya ang mga katanungang may kinalaman sa mga pagkain at ang tungkol sa Araw ng Pamamahinga, na ikinatitisod ng ilang mga kapatiran sa Roma. Nagwawakas ang sulat sa mga pagbating personal at pagpupuri sa Diyos.
Nilalaman
Panimula at paksa 1:1-17
Kailangan ng tao ang kaligtasan 1:18–3:20
Ang paraan ng pagliligtas ng Diyos 3:21–4:25
Ang bagong buhay na kaugnay ni Cristo 5:1–8:39
Ang Israel sa plano ng Diyos 9:1–11:36
Ang ugaling Cristiano 12:1–15:13
Pagwawakas at pansariling pagbati 15:14–16:27
1
1 Mula kay Pablo na isang lingkod ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
2 Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan,
3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David; subalit tungkol sa kanyang pagka-Diyos, pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay.
5 Sa pamamagitan niya, tinanggap namin mula sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya.
6 Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.
7 Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig.
9 Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin.
10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa ng Diyos na sa wakas matuloy din ang pagpunta ko riyan.
11 Nananabik akong makita kayo upang mamahagi sa inyo ng mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo.
12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais ko ring makahikayat diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga Hentil.
14 May pananagutan ako sa lahat ng mga tao: sa mga sibilisado man o hindi, sa marurunong at sa mga mangmang.
15 Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.
Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
16 Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego.
17 Sapagkat sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”
Mga Kasalanan ng Sangkatauhan
18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan.
19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos.
20 Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa.
21 Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip.
22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal.
23 Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.
24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa.
25 Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan.
27 Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.
28 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam.
29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis,
30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang.
31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa.
32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito. Gayunman, hindi lamang patuloy sila sa paggawa nito kundi sumasang-ayon pa sila sa mga gumagawa rin ng mga ito.