11
Kinahabagan ng Diyos ang Israel
1 Ito ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin.
2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel.
3 Sinabi niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!”
4 Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.”
5 Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob.
6 At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.
7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba.
8 Tulad ng nasusulat:
“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
mga matang hindi makakita
at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito.”
9 At sinabi rin ni David,
“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
isang katitisuran at parusa sa kanila.
10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”
11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito.
12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel!
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan.
14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila.
15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!
16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito.
17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito,
18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.
19 Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.”
20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka.
21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya?
22 Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din.
23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos.
24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito.
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos.
26 Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat:
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas.
Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 At ito ang gagawin kong kasunduan namin
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno.
29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.
30 Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio.
31 Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila [ngayon] ang kanyang habag.
32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.
Papuri sa Diyos
33 Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,
34 “Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
35 Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
na dapat niyang bayaran?”
36 Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.