7
Wala na sa Ilalim ng Kautusan
1 Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay.
2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon.
3 Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya.
4 Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos.
5 Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan.
6 Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung paano pagnasaan ang pag-aari ng iba kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnasaan ang pag-aari ng iba.”
8 Ngunit dahil sa utos, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang Kautusan.
9 Noong una, namuhay ako nang walang Kautusan. Subalit nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan
10 at ako'y namatay. Ang utos na dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan.
11 Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon ay napatay nga ako ng kasalanan.
12 Kaya nga, ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti.
13 Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.
Ang Hilig ng Laman at Tuntunin ng Isip
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan.
15 Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa.
16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan.
17 Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin.
18 Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa.
19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa.
20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin.
21 Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin.
22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos.
23 Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan.
24 Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan?
25 Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!
Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.