8
Ang Ikapitong Selyo
1 Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras.
2 Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila.
3 Dumating ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos.
4 Mula sa kamay ng anghel ay tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos.
5 Pagkatapos, kinuha ng anghel ang sunugan ng insenso, pinuno ito ng apoy mula sa dambana, at inihagis sa lupa. Biglang kumulog, dumagundong, kumidlat at lumindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 At humanda ang pitong anghel na may pitong trumpeta upang hipan ang mga ito.
7 Hinipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng batong yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat,
9 namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat.
10 Hinipan ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo, at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal.
11 Ang bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito.
12 Hinipan ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag.
13 Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!”