Ang Unang Aklat ni
SAMUEL
Panimula
Sa aklat na ito iniuulat ang pagbabago sa Israel mula sa pamamahala ng mga hukom hanggang sa panahon ng mga hari. Ang pagbabagong ito ay umiikot sa tatlong pangunahing katauhan: kay Samuel, na isang propeta at ang huli sa mga pangunahing hukom; kay Saul, ang unang hari ng Israel; at kay David, ang pinakadakilang hari ng Israel. Ang mga unang pakikipagsapalaran ni David bago naghari ay kasama sa mga ulat tungkol kina Samuel at Saul.
Tulad ng ibang makasaysayang akda sa Lumang Tipan, tampok sa aklat na ito ang tagumpay dahil sa katapatan sa Diyos, at ang kapahamakang dulot ng pagsuway. Malinaw itong sinasabi sa pahayag ni Yahweh sa paring si Eli sa 2:30: “Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin.”
Itinala sa aklat ang magkakahalong damdamin tungkol sa pagtatatag ng kaharian. Si Yahweh ang siyang tunay na hari ng Israel, ngunit dahil sa pagtugon sa kahilingan ng mga tao, siya ay pumili ng hari nila. Gayunpaman, ipinapakita sa aklat na ito na ang hari at ang bansang Israel ay kapwa namuhay sa ilalim ng kapangyarihan at kahatulan ng Diyos (2:7-10). Sa ilalim ng mga kautusan ng Diyos, kailangang panatilihin at igalang ang mga karapatan ng lahat ng tao, mayaman man o mahirap.
Nagtatapos ang aklat na ito sa pagkatalo ng hukbo ng Israel laban sa mga Filisteo, at sa kamatayan ni Saul at ng anak nitong si Jonatan.
Nilalaman
Si Samuel bilang hukom ng Israel 1:1–7:17
Si Saul ay naging hari 8:1–10:27
Ang mga unang taon ng paghahari ni Saul 11:1–15:35
Si David at si Saul 16:1–30:31
Ang pagkamatay ni Saul at ng kanyang mga anak 31:1-13
1
Si Elkana at ang Kanyang Pamilya
Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo. Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala. Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't* hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?”
Nanalangin si Ana
Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. 10 Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. 11 Ganito+ ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.”
12 Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. 13 Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. 14 Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!”
15 “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. 16 Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.”
17 Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.”
18 Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban.
Ipinanganak at Inihandog si Samuel
19 Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. 20 Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.”
21 Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. 22 Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.”
23 Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.” Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.
24 Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon,§ limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. 25 Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. 26 Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. 27 Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. 28 Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.”
Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.
* 1:5 Ngunit…bagama't: o kaya'y Ngunit kay Ana, kahit mahal niya ito, ay isang bahagi lamang ng handog ang ibinibigay niya sapagkat. + 1:11 Bil. 6:5. 1:20 SAMUEL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “pangalan ng Diyos”. 1:23 pangako mo sa kanya: Sa ibang manuskrito'y pangako niya sa iyo. § 1:24 isang torong tatlong taon: Sa ibang manuskrito'y tatlong toro.