10
1 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan:
2 Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama.
3 Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak.
4 Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo.
5 Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya.
6 Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao.
7 Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos.
8 Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.”
9 Nang maghiwalay sila ni Samuel, si Saul ay binigyan ng Diyos ng bagong katauhan. At nang araw ring iyon, naganap ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel.
10 Pagdating nila sa Gibea, nakasalubong nga nila ang isang pangkat ng mga propeta. Lumukob kay Saul ang Espiritu ni Yahweh at siya'y nagpahayag din tulad sa ginagawa ng mga propeta.
11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya, itinanong ng mga ito, “Ano bang nangyari kay Saul na anak ni Kish? Propeta na rin ba si Saul?”
12 Isang tagaroon ang sumagot, “Bakit naman hindi? Baka siya pa nga ang kanilang pinuno.” At dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
13 Pagkatapos ng pangyayaring iyon, si Saul ay nagpunta sa altar sa burol.
14 Pagdating doon, si Saul at ang kasama niyang lingkod ay tinanong ng kanyang tiyo, “Saan ba kayo nagpunta?”
Sumagot siya, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi ko makita, nagtuloy kami kay Samuel.”
15 Sinabi ng kanyang tiyo, “Ano ang sinabi sa iyo ni Samuel?”
16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.” Ngunit hindi niya binanggit ang tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel.
Si Saul ay Tinanghal Bilang Hari
17 Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa.
18 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo.
19 Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’ ”
20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin.
21 Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul.
22 Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?”
Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.”
23 Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa mga tao. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamatangkad.
24 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Ito ang pinili ni Yahweh. Wala siyang katulad sa buong bayan.”
Sabay-sabay silang sumigaw, “Mabuhay ang hari!”
25 Inisa-isa ni Samuel sa mga taong-bayan ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita.
26 Pati si Saul ay umuwi na sa Gibea, kasama ang ilang matatapang na Israelita, mga lalaking ang puso'y hinipo ng Diyos.
27 Ngunit may ilang tao roon na pakutyang nagtanong, “Paano tayo maililigtas niyan?” Nilait nila si Saul at hindi sila nagbigay ng handog sa kanya. Ngunit tumahimik lamang si Saul.