18
Si David at si Jonatan
1 Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili.
2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David.
3 Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay.
4 Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at sinturon.
5 Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong pinuno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga opisyal sa palasyo.
Nainggit si Saul kay David
6 Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihang umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga tamburin at alpa.
7 Ganito ang kanilang awit:
“Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.”
8 Hindi nagustuhan ni Saul ang sinasabi sa awit. Labis niya itong ikinagalit at sinabi niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang na siya'y kilalanin nilang hari.”
9 At mula noon ay naging masama ang kanyang pagtingin kay David.
10 Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at
11 dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.
12 Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya.
13 Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan
14 at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh.
15 Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul.
16 Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno.
Napangasawa ni David ang Anak ni Saul
17 Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas.
18 Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?”
19 Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat.
20 Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito.
21 Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.”
22 Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”
23 Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?”
24 Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David.
25 Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David.
26 Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw,
27 nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical.
28 Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical.
29 Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway.
30 Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag.