20
Ang Sumpaan nina David at Jonatan
Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?”
Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.”
Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,* alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.”
Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.”
Sumagot+ siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.”
Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.”
10 Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?”
11 Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.”
12 Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. 13 Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. 14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. 15 Kung+ ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, 16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”
17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. 18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. 19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. 20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. 21 Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, tiyak na wala nang panganib. 22 Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. 23 At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.”
24 Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo 25 sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan. 26 Nang araw na iyon, hindi pinansin ni Saul ang pagkawala ni David sapagkat inisip niyang maaaring may malaking dahilan o baka hindi ito malinis ayon sa kautusan. 27 Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, “Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?”
28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Bethlehem. 29 May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinapauwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.”
30 Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, “Isa kang suwail na anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati na rin ang iyong ina? 31 Dapat mong malamang hangga't buháy ang David na iyan ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito? Lumakad ka ngayon, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.”
32 Sumagot si Jonatan, “Ano po ba ang kasalanan niya at dapat siyang patayin?”
33 Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak nitong talagang gustong patayin ni Saul si David. 34 Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain nang araw na iyon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David. 35 Kinaumagahan, nagpunta siya sa bukid na pinag-usapan nila ni David, kasama ang isa niyang lingkod na batang lalaki. 36 Sinabi niya rito, “Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.” Patakbong sumunod ang utusan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito. 37 Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan, “Nasa gawi pa roon.” 38 Idinugtong pa niya, “Dalian mo, huwag ka nang magtagal diyan.” At nang makuha ng bata ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan. 39 Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit nagkakaintindihan na sina David at Jonatan. 40 Pagkatapos, ang mga sandata ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang batang lingkod.
41 Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at tatlong beses na yumuko na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at hinagkan ang isa't isa. Hindi na mapigil ni David ang sarili at siya'y humagulgol. 42 Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, “Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating pangako sa isa't isa, pati ang ating mga susunod na salinlahi magpakailanman.” At naghiwalay silang dalawa. Umalis na si David at umuwi naman sa lunsod si Jonatan.
* 20:3 saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y hangga't si Yahweh ay nabubuhay. + 20:5 Bil. 28:11. + 20:15 2 Sam. 9:1. 20:21 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay.