26
Hindi na Naman Pinatay ni David si Saul
Samantala,+ nagbalik kay Saul sa Gibea ang mga Zifeo at sinabi nilang si David ay nagtatago sa kaburulan ng Haquila, sa silangan ng Jesimon. Kaya lumakad si Saul, kasama ang tatlong libong pinakamahusay na kawal na Israelita, patungo sa ilang ng Zif upang hanapin si David. Nagkampo sila sa tabing daan sa may kaburulan ng Haquila; sina David naman ay nasa ilang. Nang mabalitaan ni David na hinahanap na naman siya ni Saul, pinalakad niya ang ilan sa kanyang mga tauhan upang lihim na magsiyasat. Sa pamamagitan nila, natiyak niyang hinahanap nga siya ni Saul. Pumunta si David sa kampo ni Saul upang alamin ang kinalalagyan ni Saul. Nakita niyang napapaligiran si Saul ng mga kawal at natutulog sa tabi nito ang pinuno ng kanyang hukbo na si Abner na anak ni Ner.
Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?”
“Ako,” sagot ni Abisai.
Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napapaligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatusok sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Isang saksak lang iyan at hindi na kailangang ulitin pa.”
Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,* darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan. 11 Huwag+ nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.” 12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila nang mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.
13 Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. 14 Sinigawan niya si Abner, “Abner, naririnig mo ba ako?” Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo.
Sumagot si Abner, “Sino kang nambubulahaw sa hari?”
15 Sumagot naman si David, “Di ba't ikaw ang pinakamagaling na lalaki sa Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? May nakapasok diyan upang patayin ang hari ngunit hindi mo man lamang namalayan. 16 Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, dapat kang mamatay sapagkat hindi mo binantayang mabuti ang haring pinili ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang lalagyan ng tubig ng hari?”
17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya.
“Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David. 18 Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan? 19 Isinasamo ko, mahal na hari, pakinggan po sana ninyo ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa siya ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napadpad sa lupaing diyus-diyosan lamang ang maaari kong sambahin. 20 Huwag ninyo sanang hayaang mapatay ako sa ibang lupain, at malayo kay Yahweh. Bakit ako, na pulgas lamang ang katulad ay gustong patayin ng hari? Bakit kailangan pa niya akong habulin na parang isang mailap na ibon?”
21 Sinabi ni Saul, “Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita gagawan ng masama sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay. Naging hangal ako! Napakalaki ng kasalanan ko!”
22 Sumagot si David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. 23 Ang taong tapat at matuwid ay ginagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 24 Pinahalagahan ko ngayon ang inyong buhay at nawa'y ganoon din ang gawin sa akin ni Yahweh. Nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kaguluhan.”
25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka ng Diyos, anak. Marami pang gawaing naghihintay sa iyo at tiyak kong magtatagumpay ka.”
Pagkatapos nito'y lumakad na si David at umuwi naman si Saul.
+ 26:1 Awit 54 Pamagat. * 26:10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay. + 26:11 1 Sam. 24:26. 26:16 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay.