Ang Ikalawang Aklat ni
SAMUEL
Panimula
Ang Ikalawang Aklat ni Samuel, karugtong ng Unang Aklat ni Samuel, ay kasaysayan ng paghahari ni David; sa Juda (kabanatang 1–4), at sa buong bansa, kasama ang Israel (kabanatang 5–24). Ito ang malinaw na ulat tungkol sa pakikipaglaban ni David sa mga kaaway sa loob ng bansa gayundin sa mga taga-labas, upang mapalawak ang kanyang kaharian at mapatatag ang kanyang katayuan. Ipinapakita rito si David bilang isang taong may matatag na pananampalataya at maalab na pagmamahal sa Diyos. Katunayan, binalak niyang magtayo ng isang templo para kay Yahweh. Ngunit ipinahayag ng Panginoon kay David na ang anak nito ang magtatayo ng templo.
Ipinapakita rin dito kung papaano nahikayat ni David ang kanyang bayan na maging matapat sa kanya. Gayunpaman, isinasalaysay din sa aklat na ito na minsan siya'y malupit rin at handang gumawa ng di mabuti makamtan lamang ang sariling pagnanasa at ambisyon. Ngunit nang iharap sa kanya ni Propeta Natan ang kanyang mga kasalanan, nagsisising inamin niya ito at mapagpakumbabang tinanggap ang parusang ipinataw ng Diyos.
Ang buhay at ang mga nagawa ni David ay naging malaking pagpapala sa mga Israelita. Kaya't sa mga panahon ng pambansang krisis, at nang sila'y humiling ng bagong hari, ninais nilang ito ay magmula sa angkan ni David.
Nilalaman
Ang paghahari ni David sa Juda 1:1–4:12
Ang paghahari ni David sa buong Israel 5:1–24:25
a. Ang mga unang taon 5:1–10:19
b. Si David at si Batsheba 11:1–12:25
c. Mga suliranin at kahirapan 12:26–20:26
d. Ang mga huling taon 21:2–24:25
1
Ang Pagkamatay ni Saul
Nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalekita, tumigil siya ng dalawang araw sa Ziklag. Nang sumunod na araw, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuotan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. “Saan ka galing?” tanong ni David.
“Tumakas po ako sa kampo ng Israel,” sagot ng lalaki.
“Bakit? Ano bang nangyari?” tanong ni David.
“Umatras po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” sagot ng lalaki.
“Paano mo nalamang napatay sina Saul at si Jonatan?” tanong ni David.
Isinalaysay+ ng lalaki ang pangyayari. “Nagkataon pong ako'y nasa Bundok ng Gilboa. Nakita ko pong hinahabol si Haring Saul ng mga kaaway sakay ng mga karwahe at kabayo. Noon po'y nakasandal siya sa kanyang sibat. Nang ako'y kanyang makita, tinanong niya kung sino ako. Sinabi ko pong ako'y isang Amalekita. Pinalapit po ako at ang sabi, ‘Hirap na hirap na ako sa kalagayang ito. Mabuti pa'y patayin mo na ako.’ 10 Lumapit naman po ako at pinatay ko nga siya, sapagkat alam kong hindi na rin siya mabubuhay pa dahil sa kanyang tama. Pagkatapos, kinuha ko ang kanyang korona at ang pulseras sa kanyang braso. Heto po't dala ko para sa inyo, panginoon.”
11 Nang marinig ito, pinunit ni David ang kanyang kasuotan; gayundin ang ginawa ng mga kasamahan niya. 12 Tumangis sila, nag-ayuno at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ni Yahweh sa bansang Israel ay nasawi sa labanan. 13 Muling tinanong ni David ang lalaki, “Tagasaan ka nga ba?”
“Ako po'y anak ng isang dayuhang Amalekita,” sagot naman nito.
14 Sinabi ni David, “Hindi ka man lamang natakot na patayin ang haring pinili ni Yahweh?” 15 Kaya't inutusan ni David ang isa niyang kabataang tauhan, “Patayin ang taong ito.” Iyon nga ang kanyang ginawa. 16 At sa harap ng bangkay ay sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa iyong pagkamatay sapagkat hinatulan mo ang iyong sarili nang sabihin mong pinatay mo ang haring pinili ni Yahweh.”
Dinamdam ni David ang Pagkamatay ng Mag-ama
17 Dahil dito, kumanta si David ng isang awit ng pagluluksa bilang alaala kina Saul at sa anak nitong si Jonatan. ( 18 Iniutos+ niyang ituro ito sa lahat ng mamamayan ng Juda. Nakasulat ito sa Aklat ni Jaser.)
19 “Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang mabuwal ang magigiting mong kawal!
20 Dapat itong ilihim, hindi dapat ipaalam,
lalo sa Gat, at Ashkelon, sa liwasan at lansangan;
kung ito ay mababatid, tiyak na magdiriwang,
ang mga Filisteong mga Hentil ang magulang.
 
21 “Ang lupain ng Gilboa, ang iyong mga bundok, hindi na dapat ulanin, ni bigyan kahit hamog,
mga bukid mo'y hindi na makapaghandog.
Pagkat sandata ni Saul ay sa iyo nadungisan,
na dati-rating makintab, ngayo'y balot ng kalawang.
 
22 “Ang pana ni Jonatan noo'y hindi nabibigo.
Ang kay Saul na sandata ay hindi naigugupo.
 
23 “Si Saul at si Jonatan ay ulirang mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama.
Bilis nila'y higit pa sa agila, higit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.
 
24 “Mga kababaihan ng Israel, kayo'y magsitangis,
sa pagpanaw ni Saul na sa inyo'y nagparamit
ng magandang kasuotang may hiyas na nakakabit.
 
25 “Ang magigiting na kawal ay nabuwal sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.
 
26 “Sa pagpanaw mo, kapatid kong Jonatan, ngayon ako'y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo'y humahanga.
Ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.
 
27 “Ang magigiting na kawal sa labana'y nabuwal,
ang kanilang mga sandata ay wala na ngayong kabuluhan.”
+ 1:6 1 Sam. 31:1-6; 1 Cro. 10:1-6. + 1:18 Jos. 10:13.