13
Si Amnon at si Tamar
1 Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar.
2 Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen.
3 Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea.
4 Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar.
5 Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.”
6 Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”
7 Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain.
8 Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon.
9 Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar.
10 Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon.
11 Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito.
13 Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.”
14 Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.
15 Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.
16 “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”
Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon.
17 Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!”
18 Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari.
19 Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas.
20 Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom.
21 Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.
22 Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
Gumanti si Absalom
23 Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim.
24 Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno.
25 “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26 Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”
“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari.
27 Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!”
29 Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.
30 Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki.
31 Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit.
32 Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar.
33 Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.”
34 Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon.
Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim.
35 Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.”
36 Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod.
37 Mahabang panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur.
38 Tatlong taon siyang nagtago roon.
39 Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom.