17
Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong tauhan at ngayon ding gabi'y hahabulin namin si David. Sasalakayin ko siya habang pagod pa siya at nanghihina. Malilito siya at tiyak na magtatakbuhan ang kanyang mga tauhan. Ang hari lamang ang aking papatayin. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng kanyang mga tauhan, gaya ng isang babaing ikakasal sa naghihintay niyang mapapangasawa. Iisang tao lamang ang nais mong mamatay, kaya't ang iba ay hindi masasaktan.” Nagustuhan ni Absalom at ng pinuno ng Israel ang payo ni Ahitofel.
Ngunit sinabi ni Absalom, “Tanungin din natin si Cusai na Arkita kung ano ang kanyang maipapayo tungkol sa bagay na ito.” Pagdating ni Cusai, sinabi ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Tinanong niya si Cusai, “Susundin ba natin si Ahitofel? At kung hindi, ano ang masasabi mo?”
Sinabi naman ni Cusai kay Absalom, “Sa ngayon, ang balak ni Ahitofel ay hindi mabuting sundin. Hindi mo ba alam na ang mga tauhan ng iyong ama'y mga sanay na mandirigma? Mababangis silang tulad ng inahing osong inagawan ng anak. Sa talino ng iyong ama'y hindi iyon matutulog na kasama ng kanyang mga tauhan. Malamang siya ngayo'y nagtatago sa isang hukay o sa ibang lugar. At kung sa unang pagsalakay ay malagasan ka ng mga tauhan, tiyak na ang sinumang makabalita ay ganito ang sasabihin: ‘Natalo ang mga tauhan ni Absalom.’ 10 Matapang ma't may pusong-leon ay matatakot din, sapagkat alam ng buong Israel na magiting na mandirigma ang iyong ama, at hindi aatras sa labanan ang mga tauhan niya. 11 Ganito ang payo ko: ‘Hintayin mo munang ang mga Israelita mula sa Dan hanggang Beer-seba ay matipong lahat na sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Pagkatapos, ikaw mismo ang manguna sa pakikipaglaban. 12 Hahabulin natin ang kaaway saanman siya magsuot. Sasalakayin natin siya na parang hamog na pumapatak sa lupa, at wala isa man sa kanilang sambahayan at mga tauhan ang matitirang buháy. 13 Kung siya'y umatras sa isang lunsod, ating iguguho ang lunsod na iyon at itatambak sa bangin upang wala ni kapirasong bato na matira roon.”
14 Pagkarinig niyon, sinabi ni Absalom at ng buong Israel, “Mas maganda ang payo ni Cusai na Arkita kaysa payo ni Ahitofel.” Nagpasya si Yahweh na huwag masunod ang mabuting payo ni Ahitofel upang mapahamak si Absalom.
Nakatakas si David
15 Pagkatapos, sinabi ni Cusai sa dalawang paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa matatandang pinuno. Matapos ipagtapat ang lahat, 16 sinabi niya, “Babalaan ninyo agad si David na huwag matutulog ngayong gabi sa may batis sa ilang. Patawirin siya sa ibayo ng Jordan bago mahuli ang lahat, baka mapahamak siya at ang mga kasama niya!”
17 Para walang makakita sa kanila, sina Jonatan at Ahimaaz ay hindi na pumasok ng lunsod; doon na lamang sila naghintay sa En-rogel. Ang anumang balita para kay David ay dinadala sa kanila ng isang aliping babae. 18 Ngunit may binatilyo palang nakakita sa kanila at ito ang nagsumbong kay Absalom. Nang malaman nila ito, umalis agad ang dalawa at nagtago sa Bahurim. Lumusong sila sa balon sa loob ng bakuran ng isang tagaroon. 19 Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon. 20 Dumating ang mga alipin ni Absalom at nagtanong sa babae, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonatan?”
“Tumawid na sila sa ilog,” tugon ng babae.
Ginalugad nila ang lugar na iyon, ngunit walang nakita, kaya't nagbalik na sila sa Jerusalem. 21 Pagkaalis ng mga tauhan, umahon sa balon ang dalawa. Nagpunta agad sila kay David at ipinagtapat ang masamang binabalak ni Ahitofel. Pagkatapos, sinabi nila, “Tumawid kayo agad ng ilog.” 22 Tumawid nga si David at ang buo niyang pangkat, at nang magmamadaling-araw, wala isa mang naiwan sa kabila ng Jordan.
23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang kanyang payo, umuwi agad siyang sakay ng asno. Matapos mag-iwan ng huling habilin sa mga kasambahay, siya'y nagbigti. Inilibing siya sa puntod ng kanyang ama.
Dumating si David sa Mahanaim
24 Nasa Mahanaim na si David nang tumawid sa Jordan sina Absalom at mga kasamang Israelita. 25 Sa halip na si Joab, si Amasa ang ginawa ni Absalom na pinuno ng buong hukbo. Si Amasa ay anak kay Abigail ni Itra, isang lalaking Ismaelita.* Si Abigail naman ay anak ni Nahas, kapatid ni Zeruias na ina ni Joab. 26 Ang mga Israelita at si Absalom ay nagkampo sa Gilead.
27 Pagdating sa Mahanaim, si David ay sinalubong ni Sobi, anak ni Nahas na Ammonitang taga-Rabba. Kasama ni Sobi si Maquir, anak ni Amiel na taga-Lo-debar at si Barzilai, isang Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga banig, kumot, mangkok at banga. May dala rin silang trigo, sebada, harina, mga butil na sinangag, gulayin, 29 pulot-pukyutan, keso at mga tupa. Ipinagkaloob nila ito kina David at mga kasama nito upang may makain sila, sapagkat alam nilang ang mga ito'y pagod na pagod at nagdanas ng matinding gutom at uhaw sa ilang.
Napatay si Absalom
* 17:25 Ismaelita: Sa ibang manuskrito'y Israelita.