3
Tumagal ang digmaan sa pagitan ng mga tauhan nina David at ng angkan ni Saul. Lumakas nang lumakas ang pangkat ni David samantalang patuloy namang humina ang angkan ni Saul.
Mga Anak ni David sa Hebron
Samantalang nasa Hebron, ito ang mga naging anak na lalaki ni David: ang panganay ay si Amnon na anak niya kay Ahinoam. Si Quileab ang sumunod na anak naman niya kay Abigail, ang balo ni Nabal. Ang ikatlo'y si Absalom na anak kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. Si Adonias ang ikaapat, anak niya kay Haggit; ang ikalima'y si Sefatias, anak niya kay Abital; at ang ikaanim ay si Itream, anak niya kay Egla. Ang mga ito ang naging anak ni David sa Hebron.
Ang Kasunduan nina Abner at David
Habang naglalaban ang mga pangkat nina Saul at David, si Abner ang kinilalang pinuno ng mga tauhan ni Saul.
Minsa'y pinagsabihan ni Isboset si Abner, “Bakit mo sinipingan si Rizpa, ang anak ni Aya, ang asawang-lingkod ng aking ama?”
Nagalit si Abner sa sinabing ito ni Isboset at sumagot siya, “Anong palagay mo sa akin, isang taksil? Isang lihim na tauhan ng Juda? Hanggang sa araw na ito'y tapat ako sa sambahayan ng iyong amang si Saul, sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan. Maging ikaw ay hindi ko ipinagkanulo kay David; bakit pagbibintangan mo ako sa babaing ito? Saksi ko ang Diyos; tulungan sana niya ako upang maisakatuparan ang pangako ni Yahweh kay David 10 na+ maalis ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at maitatag ang paghahari ni David sa Juda, mula sa Dan hanggang Beer-seba.” 11 Hindi nakasagot si Isboset dahil sa takot kay Abner.
12 Nagpadala si Abner ng mga sugo kay David sa Hebron at ito ang ipinasabi, “Kanino nga ba ang lupaing ito? Makipagkasundo ka sa akin at tutulungan kitang mapasaiyo ang buong Israel.”
13 “Mabuti!” tugon ni David. “Papayag ako sa isang kondisyon: Hindi ka muna makikipagkita sa akin hangga't hindi mo nadadala rito si Mical na anak ni Saul.” 14 Samantala,+ nagpadala rin si David ng mga sugo kay Isboset at ito naman ang ipinasabi, “Dalhin mo sa akin si Mical, ang napangasawa ko bilang kapalit ng sandaang balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya't pinahiwalay ni Isboset si Mical sa asawa nito, kay Paltiel na anak ni Lais. 16 Sumama si Paltiel hanggang Bahurim, at habang daa'y umiiyak. Ngunit ang lalaki'y pinabalik ni Abner at hindi ito nakatutol.
17 Nilapitan ni Abner ang pinuno ng Israel at sinabi, “Matagal nang hinahangad ninyong maging hari si David. 18 Dumating na ang panahon upang matupad iyan. Ganito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa kanya: ‘Sa pamamagitan ni David, ililigtas ko ang bansang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo at iba pa nilang mga kaaway.’ ” 19 Kinausap din ni Abner ang lipi ni Benjamin. Pagkatapos, nagpunta siya sa Hebron at sinabi kay David ang pinagkasunduan ng mga Israelita at ng lipi ni Benjamin.
20 Nang tanggapin ni David si Abner, may kasama itong dalawampung tauhan. Hinandugan niya ito ng isang salu-salo. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Ngayo'y lalakad na ako upang ihandog nang buong-buo ang Israel sa inyong kamahalan. Magpapasakop sila sa inyo at maghari kayo sa kanila ayon sa inyong kagustuhan.” At mapayapang pinalakad ni David si Abner.
Pinatay ni Joab si Abner
22 Pagkaalis ni Abner, dumating naman mula sa pagsalakay ang mga kawal ni David sa pangunguna ni Joab. Napakarami nilang samsam na dala. 23 Nalaman agad ni Joab na si Abner ay nakipagkita sa hari at pinayagan nitong umalis nang payapa. 24 Pinuntahan agad ni Joab ang hari at sinabi, “Bakit po ninyo ginawa ito? Naparito na nga si Abner ay pinakawalan pa ninyo? Ngayo'y wala na siya! 25 Hindi ba ninyo kilala si Abner? Naparito siya upang pagtaksilan kayo, gusto lamang niyang tiktikan ang inyong mga ginagawa.”
26 Pagkatalikod sa hari, ipinahabol agad ni Joab si Abner. Inabutan nila ito sa may balon ng tubig sa Sira. Hindi alam ni David ang mga nangyayaring iyon. 27 Nang maibalik na sa Hebron si Abner, tinawag ito ni Joab sa may pintuan ng lunsod at kunwari'y mag-uusap lang sila nang sarilinan. Dito niya isinagawa ang paghihiganti sa pagkamatay ng kapatid niyang si Asahel. Sinaksak niya sa tiyan si Abner at ito'y namatay. 28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Ako at ang aking kaharian ay walang sagutin sa harap ni Yahweh sa pagkamatay ni Abner. 29 Dapat itong panagutan ni Joab at ng kanyang sambahayan. Ang kanyang sambahayan sana'y huwag mawalan ng mga baldado, may sakit na tulo, sakit sa balat na parang ketong, mapapatay sa labanan o mamamatay sa gutom!” 30 Ngunit sa ganoong paraan ginantihan ng magkapatid na Joab at Abisai si Abner dahil sa pagpatay nito kay Asahel sa labanan sa Gibeon.
31 Iniutos ni David kay Joab at sa lahat ng kasama nito na punitin ang kanilang mga damit at magsuot ng panluksa bilang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Abner. Pati ang Haring David ay nakipaglibing din 32 nang si Abner ay ilibing sa Hebron. Umiyak nang malakas ang hari at ang mga taong-bayan. 33 Ganito ang awit-pagluluksa ng hari:
“O Abner, dapat ka bang mamatay gaya ng isang tulisan?*
34 Ikaw naman ay malaya't walang gapos ang mga kamay.
Mga paa mo nama'y hindi natatanikalaan,
ngunit ikaw ay namatay sa kamay ng mga tampalasan.”
Pagkarinig nito'y muling tumangis ang mga tao.
35 Hinimok nila si David na kumain kahit bahagya, ngunit sinabi nito: “Isinusumpa kong hindi ako kakain kahit ano hangga't hindi lumulubog ang araw.” 36 Ang mga tao'y sumang-ayon sa nakita nilang ginawa ni David sapagkat ito'y nakalugod sa kanila, tulad ng iba pang ginawa ng hari. 37 Noon nalaman ng buong Israel na walang kinalaman ang hari sa pagkamatay ni Abner. 38 Sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, “Hindi ba ninyo nalalamang isang dakilang pinuno ang nawala ngayon sa Israel? 39 Kahit na ako'y hari, nanliliit ako at kinikilabutan sa kasamaang ginawa ng mga anak ni Zeruias. Hindi ito maaatim ng aking kalooban. Parusahan nawa sila ni Yahweh!”
+ 3:10 1 Sam. 15:28. + 3:14 1 Sam. 18:27. * 3:33 isang tulisan: o kaya'y isang mangmang.