24
Papuri sa Karunungan
1 Ito ang papuri na isinalaysay ng Karunungan tungkol sa kanyang sarili,
2 sa kapulungan ng Kataas-taasang Diyos, ipapahayag niya,
sa harap ng mga anghel magpupuri siya.
3 “Nanggaling ako sa bibig ng Kataas-taasang Diyos,
at parang ulap na lumukob ako sa ibabaw ng lupa.
4 Ang tahanan ko'y nasa kaitaasan,
at ang luklukan ko'y nasa ibabaw ng isang haliging ulap.
5 Nag-iisa akong naglibot sa kalangitan
at naglakad sa pusod ng kalaliman,
6 Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang tubig sa karagatan,
ang buong daigdig at ang lahat ng mga bansa at lahi.
7 Naghanap ako ng mapapagpahingahan sa piling nila,
namili ako sa kanilang mga lupain ng matitirahan.
8 At ang Lumalang sa lahat ang nag-utos sa akin;
siya, na lumikha sa akin ang nagtakda ng aking tirahan.
Sinabi niya, ‘Sa lupain ni Jacob, itayo mo ang iyong tahanan,
ang bayang Israel ang iyong magiging mana.’
9 Nilikha niya ako bago pa nagsimula ang mga panahon,
at mananatili ako magpakailanman.
10 Naglingkod ako sa kanya sa tahanang banal,
at sa Bundok ng Zion ako nanirahan.
11 Ako nga'y pinatira niya sa lunsod niyang mahal,
at inilagay niya ang Jerusalem sa ilalim ng aking pamamahala.
12 Nag-ugat ako sa piling ng bayang dinakila,
at piniling maging tanging bayan ng Panginoon.
13 Doon ay yumabong akong gaya ng sedar sa Lebanon
at tulad ng sipres sa Bundok ng Hermon.
14 Doon ay tumaas akong gaya ng palma sa Engedi,
at nanariwang gaya ng rosas sa Jerico.
Doon ay lumago akong tulad ng olibo sa kabukiran,
at tulad ng isang malaking puno ay lumaki ako.
15 Humalimuyak ang aking bango tulad ng kanela,
gaya ng balsamo at mamahaling mira,
tulad ng galbano, astakte o onica,
parang usok ng insenso na pumapailanlang sa tahanang banal.
16 Yumabong ang aking mga sanga gaya ng ensina,
madadahon at magaganda.
17-18 Tulad ng punong-ubas, nakatutuwa ang aking mga usbong;
at ang bulaklak ko'y namunga ng dangal at kayamanan.
19 Lumapit kayong lahat, kayong nananabik sa akin,
at magpakabusog kayo sa aking mga bunga.
20 Sapagkat ang pag-alala ninyo sa akin
ay matamis pa kaysa pulot na galing sa bahay-pukyutan.
21 Kainin ninyo ako't inumin,
at hihingi pa uli kayo.
22 Ang sumusunod sa akin ay hindi mapapahiya,
ang tumutupad ng aral ko ay di magkakasala.”
Ang Karunungan at ang Kautusan
23-24 Ang karunungan ay ang Kautusan,
ang Kautusan na ipinatutupad sa atin ni Moises, ang tipan ng Kataas-taasang Diyos,
ang mana ng sambayanan ng Israel.
25 Sa Kautusan nagmumula ang Karunungan, umaapaw na gaya ng Ilog Pison,
tulad ng Tigris sa panahon ng unang pamumunga.
26 Sa Kautusan bumubukal ang pang-unawa, umaagos na gaya ng Ilog Eufrates,
tulad ng Ilog Jordan sa panahon ng tag-ani.
27 Sa Kautusan bumubukal ang mabubuting aral, gaya ng Ilog Nilo,
tulad ng Ilog Gihon sa panahon ng pamimitas ng ubas.
28 Kung paanong hindi lubos na maunawaan ng unang tao ang karunungan,
wala pa ring makatatarok sa kanya hanggang sa wakas.
29 Sapagkat malawak pa kaysa karagatan ang kanyang kaisipan,
malalim pa kaysa kalaliman ang kanyang mga payo.
30 Ang tulad ko'y isang kanal ng patubig,
na umaagos mula sa ilog patungo sa isang halamanan.
31 Sinabi ko noon: Didiligin ko ang aking halamanan,
at titigmakin ko ang aking mga taniman;
at ngayon, ang aking kanal ay naging ilog,
at ang aking ilog ay naging dagat.
32 Ihahanay kong muli ang mabuting aral, maliwanag na parang bukang-liwayway
upang kumalat ang liwanag niya hanggang sa malayo.
33 Palalaganapin kong muli ang mabuting aral,
na parang isang pahayag, mula sa Diyos
upang maging pamana sa mga susunod na salinlahi.
34 Ang pagpapagal ko'y hindi para sa akin lamang,
kundi para sa lahat ng naghahangad ng Karunungan.