26
1 Maligaya ang asawa ng butihing maybahay,
mag-iibayo ang bilang ng kanyang mga araw.
2 Kasiyahan ng lalaki ang matapat na asawa,
kaya't siya'y mapayapang mabubuhay hanggang wakas.
3 Ang isang mabuting maybahay ang pinakamahalagang kaloob,
na itinalaga ng Panginoon sa may takot sa kanya.
4 Sa kasaganaan o sa kasalatan, may galak sa kanyang puso,
at anuman ang mangyari ay may ngiti sa mga labi.
5 Tatlong bagay ang labis kong kinatatakutan,
at may isa pang dapat pangambahan:
ang paratang ng buong bayan, ang hatol ng karamihang di nakakaunawa,
at ang paninirang-puri ng talikuran—ang tatlong iyan ay masaklap pa sa kamatayan.
6 Ngunit hapdi ng puso at hirap ng loob ang pagseselos ng babae;
walang pinatatawad ang matalas niyang dila.
7 Ang masungit na maybahay ay parang pamatok na hindi makalapat.
Ang pagsupil sa ganyang uri ng tao ay mas mapanganib pa kaysa humawak ng alakdan.
8 Ang asawang lasenggera ay talagang nakakasuklam,
wala na siyang nalalabing kahihiyan.
9 Ang asawang nangangalunya ay madaling makilala,
sa masagwa niyang kilos at malilikot na mata.
10 Pangalagaan mong mabuti ang sutil mong anak na babae;
upang huwag makapagsamantala kung may pagkakataon.
11 Bantayan mong lagi ang kanyang mahalay na sulyap;
at huwag kang magtaka kung ipahamak ka niya.
12 Uhaw na manlalakbay ang kanyang kawangis,
walang takot na iinom sa alinmang batis.
Mahihiga siya sa alinmang silid,
at sa sinumang lalaki'y makikipagtalik.
13 Kaaliwan ng lalaki ang mabait na maybahay;
sa kakayahan ng babae sisigla ang kanyang buhay.
14 Ang tahimik na maybahay ay isang kaloob ng Panginoon;
mahinahon niyang asal ay hindi mababayaran ng salapi.
15 Ang mahinhing maybahay, kagandaha'y lalong tumitingkad,
kalinisan ng kalooban ay mas mainam kaysa mamahaling hiyas.
16 Ang mabait na maybahay ay liwanag ng tahanan,
parang araw na sumisikat doon sa kalangitan.
17 Parang banal na ilawang nagsasabog ng liwanag
ang maamo niyang mukha at maalindog na katawan.
18 Haliging ginto na may tuntungang pilak
ang kawangis ng mabibilog niyang binti at mga paang matatag.
19 Anak, ingatan mo ang iyong katawan samantalang ikaw ay nasa kasibulan,
at huwag mong aksayahin ang iyong lakas sa mga taong hindi mo kilala.
20 Saliksikin mo ang buong bansa sa paghanap ng mabuting makakaisang-dibdib,
at tiwala sa sariling lahi, ay gawin mo siyang ina ng iyong mga anak.
21 Sa gayon, magkakaroon ka ng maraming anak,
at maipagmamalaki nila ang kanilang angkang pinagmulan.
22 Ang babaing bayaran ay parang dura.
Ang may-asawang babae na pumapatol sa iba ay nagdudulot ng kamatayan sa mga lalaking nahuhumaling sa kanya.
23 Ang babaing walang takot sa Diyos ang nababagay sa lalaking walang kinikilalang batas,
ngunit ang lalaking malapit sa Diyos ay makakatapat ng butihing kabiyak.
24 Ang asawang walang dangal ay natutuwang gumawa ng kahiya-hiya,
ngunit ang babaing mahinhin ay mahinhin kahit sa harap ng kanyang asawa.
25 Ang asawang matigas ang ulo ay parang isang aso,
ngunit ang babaing may dangal ay malaki ang paggalang sa Panginoon.
26 Ang babaing may paggalang sa asawa ay itinuturing na marunong ng lahat ng tao,
ngunit ang babaing humahamak sa asawa ay ipinapalagay ng lahat na isang masamang tao.
Mapalad ang lalaking may butihing asawa;
mabubuhay siya nang matagal.
27 Ang babaing bungangera at daldalera ay parang trumpetang naghuhudyat ng pagsalakay,
ang lalaking mapangasawa ng ganyang babae ay parang nasa giyera habang buhay.
Malulungkot na Pangyayari
28 Dalawang pangyayari ang nakakahabag:
ang pagdaralita ng sundalong naghirap,
at ang marunong na inaaring hamak.
Ang ikatlo naman ay nakakagalit:
ang taong banal na sa lusak ay magbalik.
Kamatayan ang parusa ng Panginoon sa taong ganyan.
Ang Pangangalakal
29 Mahirap umiwas sa pagkakasala ang mangangalakal;
ang mga nagtitinda ay laging nanganganib matuksong mandaya.