35
Tungkol sa Paghahandog
1 Para nang nag-alay ng maraming handog ang sumusunod sa Kautusan:
sapagkat ang sumusunod sa mga utos ay para nang nag-alay ng mga handog na pangkapayapaan;
2 Ang tumatanaw ng utang na loob ay para nang naghandog ng mainam na harina,
at ang nagkakawanggawa ay para nang nag-alay ng handog ng pasasalamat.
3 Umiwas ka sa masama at kalulugdan ka ng Panginoon,
mag-ingat kang huwag makaapi at para ka nang nagbayad-puri para sa iyong sala.
4 Huwag kang haharap sa Panginoon nang walang dalang anuman,
5 sapagkat ang paghahandog na ito ay itinatagubilin ng Kautusan.
6 Kapag ang taong matuwid ay nag-alay ng kanyang handog,
ang bango ng taba na sinusunog sa dambana ay pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan.
7 Kinalulugdan ng Panginoon ang handog sa kanya ng taong matuwid,
ito'y isang alaala na hindi niya malilimutan.
8 Parangalan mo ang Panginoon nang buong katapatan,
at huwag mong panghinayangan ang mga unang bungang inihahandog mo sa kanya.
9 Ialay mo ang iyong handog nang may ngiti sa mga labi,
at magbigay ka ng ikasampung bahagi nang may galak sa puso.
10 Maghandog ka sa Panginoon nang buong puso,
maging bukas-palad ka sa kanya, gaya ng ginawa niya sa iyo.
11 Ang Panginoon ay masagana kung gumanti,
gagantihan ka niya nang makapitong beses.
12 Huwag mong susuhulan ang Panginoon sapagkat di siya tumatanggap ng suhol,
huwag kang aasa sa handog na galing sa masamang paraan.
Tungkol sa Katarungan ng Diyos
Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan,
wala siyang itinatanging sinuman.
13 Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap,
sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi.
14 Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila,
at ang pagsusumamo ng biyudang nagsasaysay ng nangyari sa kanya.
15 Ang luhang dumadaloy sa pisngi ng balo
ay sumisigaw laban sa taong naging dahilan ng kanyang pagluha.
16 Kinalulugdan ng Diyos ang naglilingkod sa kanya nang buong puso,
ang panalangin nito'y agad nakakaabot sa langit.
17 Ang dalangin ng mapagpakumbaba ay tumatagos sa mga ulap
at hindi tumitigil hanggang di umaabot sa Panginoon;
hindi humihinto hanggang di pinapansin ng Kataas-taasan,
at iginagawad ang katarungan para sa mga taong nasa katuwiran.
18 Hindi na magtatagal at kikilos ang Panginoon,
hindi niya ipagpapabukas pa ang pagpaparusa sa masasama.
Babaliin niya ang likod ng malulupit,
paghihigantihan niya ang mga bansa.
Lilipulin niya ang mga palalo,
dudurugin niya ang kapangyarihan ng mga makasalanan.
19 Gagantihan niya ang bawat isa ayon sa nararapat sa kanya,
at hahatulan ang kanilang gawa ayon sa kanilang nasa.
Igagawad niya ang katarungan sa kanyang bayan,
at sila'y magsasaya sa lilim ng kanyang habag.
20 Sa panahon ng kagipitan, kinasasabikan ang kanyang habag
parang patak ng ulan sa matinding tag-araw.