40
Ang Dalamhati ng Buhay ng Tao sa Lupa
1 Maraming tiisin ang nakalaan sa sinumang tao,
at mabigat na pamatok ang nakaatang sa bawat anak ni Adan,
mula sa kanyang paglabas sa sinapupunan ng kanyang ina,
hanggang sa siya'y magbalik sa kandungan ng lupa, na siyang ina ng lahat ng may buhay.
2 Isip niya'y nililigalig ng mga agam-agam, puso niya'y puno ng pangamba,
lagi na lamang siyang nagigimbal sa takot sa pagdating ng oras ng kamatayan.
3 Mula sa nakaupo sa marangal na trono,
hanggang sa nakalugmok sa alabok at abo,
4 mula sa nakadamit ng kulay pula at may suot na korona
hanggang sa mahirap na nakasuot ng damit-panluksa—
5 Lahat ay nakadarama ng pagkapoot, pagkainggit, pagkalito at pagkabalisa,
takot sa kamatayan, pagtatalo at paghihimagsik.
Kahit sa kanyang pamamahinga pagsapit ng gabi,
patuloy pa siyang ginugulo sa kanyang pagtulog.
6 Halos kahihimlay pa lamang niya sa kanyang higaan
ay pinahihirapan na naman siya ng masasamang panaginip.
Sa kanyang pagtulog, inuusig siya ng mga nakakatakot na pangitain,
wari niya'y isa siyang takas mula sa larangan ng digmaan,
7 at pagdating niya sa isang ligtas na lugar ay saka siya nagigising.
Nagugulat na lamang siya na ang lahat palang iyon ay isa lamang panaginip.
8-9 Ang bawat may hininga, tao man o hayop
ay mamamatay o mapapatay, sa pag-aaway o sa digmaan;
lahat ay daranas ng mga sakuna, gutom, pagdaralita at salot—
ngunit makapitong beses ang hirap na titiisin ng makasalanan.
10 Dahil sa mga taong walang takot sa Diyos, lumitaw ang lahat ng iyan,
at sila rin ang naging dahilan ng malaking baha.
11 Lahat ng nagmula sa lupa ay sa lupa magbabalik,
at ang lahat ng nagmula sa tubig ay sa dagat magbabalik.
Ilang Salawikain
12 Ang nagmula sa suhol at pang-aapi ay tuluyang mawawala,
ngunit ang katapatan ay mananatili magpakailanman.
13 Ang kayamanang nanggaling sa masamang paraan ay parang malakas na baha,
malaki ang tubig at mabilis ang agos kapag kumukulog at umuulan.
14 Sa lakas ng agos nadadala pati ang mga batong madaanan,
ngunit ito'y matutuyo sa darating na araw.
15 Ang lahi ng masasamang tao ay hindi darami,
tulad ng halamang ang ugat ay nasa mabatong lupa;
16 Katulad din nila'y damong tumubo sa pampang ng ilog,
na unang natutuyo kaysa ibang damo.
17 Ngunit ang kabutihan ay hindi maglalaho,
at ang katarungan ay mananatili magpakailanman.
Ang mga Kagalakan ng Tao sa Lupa
18 Mapalad ang nakakariwasa o may sariling hanapbuhay,
ngunit higit na mapalad ang makahukay ng natatagong kayamanan.
19 Makikilala ang pangalan ng may mga anak, o ang nakapagtayo ng isang bayan,
ngunit lalong makikilala ang nakatagpo sa Karunungan.
Makikilala ang may maraming bakahan at malawak na ubasan,
ngunit mas mahalaga sa mga ito ang isang butihing asawa.
20 Ang alak at tugtugan ay nakapagpapaligaya sa puso,
ngunit mas mainam kaysa mga ito ang pag-ibig sa Karunungan.
21 Ang tugtog ng plauta at alpa ay nakakawiling pakinggan,
ngunit lalong nakakawili ang magandang tinig.
22 Ang ganda't alindog ay nakalulugod pagmasdan,
ngunit higit na kasiya-siya ang luntiang tanim sa kaparangan.
23 Ang isang kaibigan, o ang isang kasama ay mabuting alalay,
ngunit higit sa kanilang dalawa ang isang butihing maybahay.
24 Mabuti ang may kapatid o kapanalig sa panahon ng kagipitan,
ngunit higit sa maitutulong nila ang maitutulong ng pagkakawanggawa.
25 Ang ginto at pilak ay nakakapagpatatag sa isang tao,
ngunit lalong mahalaga kaysa mga iyan ang mabuting payo.
26 Ang kayamanan at kapangyarihan ay nakakapagpalakas ng loob,
ngunit mas mainam sa mga ito ang paggalang sa Panginoon.
Ang may paggalang sa Panginoon ay hindi kinukulang sa anuman,
kaya't hindi siya mangangailangan ng anumang tulong.
27 Ang paggalang sa Panginoon ay parang isang halamanang hitik ng mga pagpapala,
at ang karangalang dulot niya sa isang tao ay higit sa alinmang parangal.
Ang Pagpapalimos
28 Anak, pakaingatan mong huwag kang maging pulubi,
sapagkat mabuti pa ang mamatay kaysa magpalimos.
29 Kapag ang inaasahan ng isang tao ay ang pagkaing galing sa iba,
hindi siya maituturing na buháy kahit siya'y may hininga.
Nakakadungis sa dangal ninuman ang pagkaing pinagpalimusan,
kaya't ito'y pinakaiiwasan ng taong may pinag-aralan.
30 Sa bibig ng walang kahihiyan ay parang masarap ang magpalimos,
ngunit sa kanyang kalooba'y para siyang inaapuyan.