5
Ang Labis na Pagtitiwala sa Sarili
1 Huwag kang manalig sa iyong kayamanan
at huwag mong sabihing, “Wala na akong kailangan.”
2 Huwag kang padadala sa labis na hangarin,
na makamtan lamang ang gusto'y gagawin ang lahat.
3 Huwag mong sabihing wala kang kinikilalang kapangyarihan,
sapagkat darating ang panahong paparusahan ka ng Panginoon.
4 Huwag mo ring sabihin, “Wala namang nangyari sa akin, matapos akong magkasala!”
Dahil ang Panginoon ay hindi madaling magalit.
5 Huwag kang masanay sa paggawa ng kasalanan
dahil sa pag-asang lagi ka niyang patatawarin.
6 Huwag mong sabihin, “Walang katapusan ang kanyang habag.
Patatawarin niya ako, gaano man karami ang aking kasalanan.”
Sapagkat kung siya'y marunong maawa, marunong din siyang magalit,
at ang kanyang galit ay nakatuon sa mga makasalanan.
7 Magbalik-loob ka na agad sa Panginoon;
huwag mong ipagpabukas ang pakikipagkasundo sa kanya,
sapagkat biglang darating ang araw ng paghihiganti,
at mamamatay ka sa kanyang pagpaparusa.
8 Huwag kang manalig sa kinamkam mong kayamanan,
sapagkat hindi mo ito papakinabangan sa araw ng kapighatian.
Katapatan at Pagpipigil sa Sarili
9 Huwag mong basta-bastang pagbigyan ang lahat,
at huwag kang sumang-ayon sa bawat sabihin ninuman.
Ganyan ang gawa ng mga taong sinungaling.
10 Magpakatatag ka sa iyong mga patakaran,
at panindigan mo ang iyong sinabi.
11 Lagi kang manabik sa pakikinig,
at maging maingat ka sa pagsagot.
12 Kung nauunawaan mo ang pinag-uusapan, sumagot ka;
ngunit kung hindi, itikom mo ang iyong bibig.
13 Ang pananalita'y maaaring ikarangal o ikapahiya;
ang dila ng isang tao'y maaaring ikapahamak niya.
14 Huwag kang pabalitang isang tsismoso,
at huwag kang magkakalat ng balitang makakapinsala sa sinuman.
Kung paanong ang mga magnanakaw ay mapapahiya,
ang sinungaling naman ay kamumuhian.
15 Pag-ingatan mong huwag magkulang sa malaki o maliit mang bagay,
at huwag kang maging kaaway sa halip ay manatiling isang kaibigan.