50
Si Simon, ang Anak ni Onias
1 Si Simon, ang Pinakapunong Pari na nagpaayos ng Templo,
at siya'y anak ni Onias,
2 siya ang naglagay ng mga pundasyon ng dinobleng muog,
ang mataas na muog sa paligid ng Templo;
siya rin ang naglagay ng mga tanggulan sa bahay ng Diyos.
3 Noon ding panahon niya hinukay ang tipunan ng tubig,
na halos sinlaki ng Dagat na Tanso.
4 Sinikap niyang iligtas ang bayan mula sa pagkawasak,
kaya't pinatibay niya ang mga tanggulan ng lunsod laban sa pananalakay ng kaaway.
5 Kay ganda niyang pagmasdan kapag siya'y naliligid ng mga tao,
matapos lumabas sa Dakong Kabanal-banalan.
6 Parang bituing nakadungaw sa siwang ng mga ulap,
parang buwang kabilugan sa mga araw ng kapistahan.
7 Katulad ay araw na sumisinag sa Templo ng Kataas-taasang Diyos
at bahagharing nakabalantok sa harap ng maningning na ulap.
8 Parang rosas na bagong bukadkad pagkapatak ng ulan,
parang liryong tumubo sa tabi ng batisan.
Parang talbos na bagong usbong sa simula ng tag-araw,
Parang insensong sinusunog sa oras ng pag-aalay.
9 Tulad niya'y isang saro na yari sa gintong lantay
at napapalamutian ng mamahaling batong hiyas.
10 Parang puno ng olibo na hitik sa bunga,
parang sipres na mataas na ang dulo'y abot sa ulap.
11 Kapag suot niya ang magara niyang damit,
at nabibihisan ng maringal niyang kasuotan,
pag-akyat niya sa mahal na dambana,
nakadaragdag siya sa karilagan ng banal na lugar.
12 Kapag iniaabot sa kanya ang pinagbaha-bahaging handog,
samantalang nakatayo siya sa tabi ng dambana,
at naliligid ng kanyang mga kapwa pari,
ang kawangis niya'y mayabong na sedar sa Lebanon
na naliligid ng mga punong palma.
13 Ang mga anak ni Aaron ay nakapaligid sa kanya, suot ang mga sagradong kasuotan,
hawak ang mga handog,
at nakatayo sa harapan ng buong bayang Israel.
14 Kapag natapos niya ang pag-aalay sa dambana
at naiayos na ang mga handog sa Makapangyarihang Kataas-taasang Diyos,
15 hinahawakan ang saro ng alak,
at ibinubuhos ito sa paanan ng dambana,
bilang mabangong handog sa Kataas-taasang Diyos,
sa Hari ng buong sanlibutan.
16 Nagsisigawan naman ang mga pari,
at hinihipan ang kanilang mga trumpetang pilak;
lumilikha sila ng malakas na ingay,
upang marinig sila ng Kataas-taasang Diyos.
17 Pagdaka'y nagpapatirapa ang buong bayan
bilang pagsamba sa Panginoon,
sa Makapangyarihan sa lahat,
sa Kataas-taasang Diyos.
18 Nagkakantahan naman ang mga mang-aawit;
ang masayang tinig ng papuri sa Diyos ay umaalingawngaw.
19 Samantala, ang bayan ay nananalangin sa Kataas-taasang Diyos,
nagmamakaawa sa harapan ng mahabaging Diyos,
hanggang sa matapos ang pagsamba sa Panginoon,
at maganap ang pag-aalay ng mga handog.
20 Pagkatapos, nananaog si Simon mula sa dambana
at itinataas ang mga kamay sa karamihan ng tao,
upang igawad sa kanila ang pagpapala ng Panginoon.
21 Muling yumuyuko ang buong bayan
upang tanggapin ang pagpapala ng Kataas-taasang Diyos.
Isang Bendisyon
22 At ngayon, purihin natin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
kahanga-hanga ang kanyang mga gawa sa balat ng lupa.
Siya ang nagtataguyod sa atin mula pa sa tiyan ng ating ina
at kumakalinga sa atin nang may pagkahabag.
23 Pagkalooban nawa niya tayo ng kagalakan sa puso
at paghariin ang kapayapaan sa Israel sa habang panahon.
24 Manatili nawa sa atin ang kanyang habag,
at lagi tayong iligtas sa panahon ng kagipitan.
Ang Tatlong Bansang Kinamumuhian
25 May dalawang bansa na labis kong kinamumuhian,
at ang pangatlo'y hindi man lamang dapat ituring na isang bansa—
26 Ang mga Edomita at ang mga Filisteo, at ang mga hangal na Samaritano.
Ang Karunungan ni Jesus na Anak ni Sirac
27 Ako, si Jesus na anak ni Sirac Eleazar
ang sumulat ng aklat na ito, ng mga aral at mga salawikain,
ayon sa aking matapat na pagkaunawa.
28 Mapalad ang tao na nag-uukol ng panahon sa pagbubulay-bulay nito
at tumutuklas ng karunungan sa ganitong pag-aaral.
29 Kung susundin niya ang mga ito, mahaharap niya ang anumang suliranin,
sapagkat ang liwanag ng Panginoon ang papatnubay sa kanya.