ANG AWIT NI SOLOMON
Panimula
Ang aklat na ito ay kalipunan ng mga tula ng pag-ibig. Ang aklat ay tinatawag na Ang Awit ni Solomon pagkat sa pamagat na Hebreo, nakalagay ang kanyang pangalan.
Madalas bigyang-kahulugan ng mga Judio ang mga awit na ito bilang larawan ng kaugnayan ng Diyos at ng kanyang bayan. Para naman sa mga Cristiano, ito'y larawan ng kaugnayan ni Cristo at ng Iglesya.
Nilalaman
Unang awit 1:1–2:7
Pangalawang awit 2:8–3:5
Pangatlong awit 3:6–5:1
Pang-apat na awit 5:2–6:3
Panlimang awit 6:4–8:4
Pang-anim na awit 8:5-14
1
Ito+ ang pinakamagandang awit ni Solomon:
Ang Unang Awit
Babae:
Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.
 
Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.
 
Mangingibig:
Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.
 
Babae:
12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.
Mangingibig:
15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.
Babae:
16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.
+ 1:1 1 Ha. 4:32.