4
Mangingibig:
Kay ganda mo, aking mahal,
ang mata mo'y mapupungay!
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis,
walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis.
Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata,
kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda,
aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula.
Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam,
parang tore ni David, na ligid ng mga kawal.
Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo,
masayang kumakain sa gitna ng mga liryo.
Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway,
hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan,
sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay,
pagkat ito ay simbango ng mira
at ng kamanyang.
Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal.
Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.
 
Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka,
lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana,
iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon,
ang taguan niyong mga leopardo at mga leon.
Aking mahal, aking sinta, ang puso ko ay nabihag,
ng mata mong mapang-akit at leeg mo na may kuwintas.
10 Aking mahal, aking sinta, kay tamis ng iyong pag-ibig,
alak man na ubod-tamis, sa iyo'y di maipaparis,
halimuyak ng bango mo ay walang makakatalo.
11 Ang labi mo, aking hirang, sintamis ng mga pulot,
ang dila mo'y waring gatas, ligaya ang siyang dulot,
ang bango ng Lebanon ay tila nasa iyong suot.
 
12 Katulad ng isang hardin itong aking minamahal,
na may bakod sa palibot at sarili ang bukal.
13 Halaman ay magaganda, waring hardin ng granada,
namumukod, natatangi ang kanyang mga bunga—
mahalimuyak ang mga nardo, mababango ang hena.
14 Nardo at safron, mabangong kanela at kalamo,
at lahat ng punongkahoy ay may samyo ng insenso,
mira, at aloe na pangunahing pabango.
15 Ang tubig na ginagamit na pandilig nitong hardin,
ay ang agos ng tubig na sa Lebanon pa nanggagaling.
Babae:
16 Umihip ka hanging timog, sa hilaga ay gayon din,
nang masamyo ko ang bango na buhat sa aking hardin.
Hayaang ang aking sinta'y magpunta sa hardin niya,
upang pumitas at kumain ng mga bunga.